Lalaking nagpuslit umano ng droga sa nabubulok na bituka ng kambing, nahuli sa airport

Arestado ang isang lalaki mula Alaska matapos umanong magpasok sa airport ng mga iligal na drogang itinago sa nabubulok na bituka ng kambing.

Dinakip si Cenen Placencia, 71, sa Ted Stevens Anchorage International Airport noong Miyerkules, ilang buwan mula nang simulan ng awtoridad ang imbestyigasyon sa pinanggagalingan ng narcotics sa Kodiak.

Siniyasat ng awtoridad, kasama ang Alaska State Trooper, ang nasa 21 kilong bagahe ni Placencia na kanya namang pinahintulutan.


Natagpuan sa loob ng malaking cooler ang umano’y nagyeyelong repaso ng mga karne na maluwag ang pagkakabalot at may nabubulok na amoy habang unti-unting natutunaw.

Sa loob ng pinaniniwalaan ng awtoridad na bituka ng kambing, naiskubre ang mga paketeng naglalaman ng 740 gramo ng heroin, at 389 gramo ng shabu, ayon sa Department of Public Safety.

Nagkakahalaga ang mga kontrabando ng $400,000 (nasa P20 milyon) sa kabuuan.

Itinanggi ng 71-anyos na may kinalaman siya sa droga at sinabing binili niya ang mga bituka sa California sa halagang $140 (P7,000) para kainin.

Sinampahan si Placencia nitong Biyernes ng kasong pag-aari at intensyong mamahagi ng ipinagbabawal na droga.

Ayon sa Alaska State Troopers, noong Pebrero pa minamanmanan ng awtoridad si Placencia.

Noong Marso, nasabat sa kanyang bahay ang 247 gramo ng heroin, at 13 gramo ng shabu na nagkakahalagang $2,280 (nasa P114,000).

Maaaring makulong hanggang 40 taon at pagmultahin ng $5 milyon (P250 milyon) si Placencia sa oras na mahatulan.

Facebook Comments