Lalaking nakabundol at nakapatay ng bata kanina sa Maynila, nagpaliwanag sa insidente

Matapos maaresto ng Manila Police District, iginiit ng 22-anyos na si Benito Lim na naka-hit and run sa 5-taong gulang na si Kyle Carlos na hindi niya sinasadyang takasan ang biktima.

Aniya, natakot siyang makuyog kaya siya tumakas.

Ayon kay Police Col. Igmedio Bernaldez, hepe ng MPD Station 5, naaresto ang suspek hindi kalayuan sa pinangyarihan ng insidente sa tulong ng mga naka-motorsiklo.


Ayon sa driver, habang nasa tapat siya ng US Embassy sa Roxas Boulevard ay bigla na lamang tumawid ang bata hanggang sa mabangga niya ito.

Sasampahan ang driver ng kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Nagkainitan pa kanina ang mga rumespondeng pulis at ang mga tauhan ng ambulansya matapos na hindi isakay ang bata para dalhin sa ospital.

Ayon sa tauhan ng ambulansya, may sinusunod kasi silang protocol sa pagdadala sa ospital sa isang biktima ng aksidente.

Maging sa pagbuhat sa bangkay ng bata ay ikinagalit ng mga pulis dahil sa hindi rin pagpapahiram ng stretcher kaya napilitan ang mga pulis na buhatin ang bata gamit ang truncheon.

Facebook Comments