VIRAL: Libing tuloy pa rin kahit abot-dibdib ang baha

Courtesy Facebook/Debralyn Matulin

Kahit hanggang dibdib na ang baha, tuloy pa rin ang libing ng isang 23-anyos na babae sa Barangay 42 Apaya, Laoag City, Ilocos Norte nitong Sabado.

Sa litratong kuha ni Debralyn Matulin, hipag ng namayapang si Milagros Aguinaldo, agaw-pansin ang kaawa-awang sitwasyon ng pamilya at ilang malalapit na kaibigan para maihatid ito sa huling hantungan.

Binuhat ng anim na kalalakihan ang kabaong at isinakay sa isang mala-jetski na sasakyan upang hindi mahulog sa tubig.


Ayon sa uploader, lubos silang nalulungkot at dobleng sakit ang nararamdaman dahil sa naging paraan ng kanilang pamamaalam sa yumao. Namatay si Aguinaldo noong nakaraang linggo sanhi ng lupus.

“Ipagdasal mo sana kami at sana makapagpahinga ka nasa piling ng Diyos,” wika ni Matulin sa salitang Ilokano.

Kaagad nag-viral sa social media ang Facebook post ni Matulin at umani nang mahigit 5,000 reaksyon.

Dalawa ang naiulat na nasawi sa panalalasa ng bagyong Ineng sa Ilocos Norte, dahilan para isailalim ang buong probinsiya sa state of calamity.

Facebook Comments