Lalaking Namaril, Nagtago ng 15 Taon, Arestado sa Rizal

Cauayan City, Isabela- Natimbog din ng mga otoridad matapos ang 15 taong pagtatago sa batas ng itinuturing na Top 1 Most Wanted Person ng Rizal, Cagayan sa San Mateo, Rizal.

Kinilala ang akusado na si Mauro Dassun, 60 taong gulang, may-asawa, drayber, tubong Rizal, Cagayan at nakatira sa Monte Carlo Subdivision, Barangay Ampid 1, San Mateo, Rizal.

Dinakip si Dassun sa kanyang mismong tahanan sa bisa ng warrant of arrest para sa Kasong Murder o pagpatay na isinilbi ng mga elemento ng Rizal Police Station, Provincial Intelligence Team, Regional Intelligence Unit 2, Regional Intelligence Unit 4, Provincial Intelligence Unit ng Rizal, QCPD Warrant Section, Provincial Intelligence Unit of Cagayan, at ng 1st Provincial Mobile Force Company.


Si Dassun ay itinuturing din na Top 9 Regional Level sa rehiyon dos.

Batay sa ulat ng pulisya, taong 2006, binaril ni Dassun ang biktimang si Godofredo Anguluan sa kanyang Panciteria na sanhi ng agarang pagkamatay ng biktima.

Agad na tumakas si Dassun matapos ang ginawang krimen at nagtago ng ilang taon.

Walang inirekomendang piyansa si hukom Orlando Beltran, Regional Trial Court Branch 11, Tuao, Cagayan para sa kinakaharap na kaso ng akusado.

Nasa kustodiya ngayon ng Rizal Police Station sa Cagayan ang akusado at anumang araw ay ipapasakamay sa court of origin.

Facebook Comments