Lalaking nanghablot ng pitaka, bugbog sarado sa Sampaloc, Maynila

Sampaloc, Maynila – Bugbog sarado ang isang lalaking nanghablot ng pitaka ng isang babae matapos kuyugin ng taumbayan sa barangay 476, zone 46 sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ang suspek na si Kirch Kent Delasan, na siyang tumangay ng pitaka ng biktimang si Claire Bernardino sa kanto ng Dapitan at Santander Street.

Ayon sa pulisya, isang nagbibisikletang lalaki ang nagmagandang loob na habulin ang suspek na inabutan naman niya sa kanto ng Bambang at Laong Laan street.


Nang ma-korner ng tumulong na lalaki, kinuyog na ng taumbayan ang suspek kung saan na-rekober sakaniya ang ninakaw na pitakang nagkakahalaga ng P5,000.00 at may lamang P220.00 cash.

Lumalabas sa rekord ng pulisya na may ilang araw pa lang mula nang lumabas mula sa kulungan ang suspek na dating nasangkot sa ilegal na droga.

Facebook Comments