Nahulog sa bitag ng Binmaley Police Station ang isang lalaking residente sa bayan dahil sa umano’y paninikil sa ilang aplikante ng Philippine National Police kapalit ng siguradong posisyon at slot sa serbisyo.
Sa panayam kay Binmaley PNP Officer-in-Charge PLtCol Lister Saygo, umapela sa tanggapan ang ilang biktima ng iskema ng suspek, dahilan ng agarang operasyon noong Linggo, Marso 15, kung saan kumagat sa bitag ng pulisya ang suspek.
Sa imbestigasyon, umabot umano sa ₱841,128 ang nakulimbat ng suspek sa ilang biktima na nagnanais sumama sa recruitment na nagsimula noon pang Nobyembre 2025.
Sa operasyon, nakumpiska sa suspek ang isang daang piraso ng 1,000 peso bill at pellet gun na pinaniniwalaang ginagamit nitong panakot sa mga biktima na tumatangging magbigay ng pera.
Sasampahan ng kasong Robbery with Intimidation and Extortion ang suspek.
Samantala, iginiit ni Saygo na walang kinakailangang bayaran sa PNP Recruitment bilang bahagi mandato ng kapulisan sa pagbibigay ng patas na tsansa sa mga indibidwal na nagnanais maging bahagi ng organisasyon.
Sa huli, hinikayat ni Saygo ang mga indibidwal na posibleng nabiktima ng paninikil sa PNP recruitment na sumangguni sa kapulisan na makatutulong sa imbestigasyon upang matuldukan ang naturang uri ng kriminalidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







