Lalaking nanloob ng bangko, pinabawasan sa teller ang pera dahil sobra

Inutusan umano ng lalaking nanloob sa isang bangko sa Florida, US ang teller na bawasan ang perang iniaabot dahil sobra ito sa halagang hinihingi.

Arestado ang 73-anyos na si Sandy Hawkins kaugnay ng nakawan sa Wells Fargo sa Boca Raon noong Lunes, ayon sa pulisya.

Humingi umano ng $1,100 (nasa P55,000) si Hawkins na inabutan ng teller ng $2,000 na tig-$100 na buo, base sa affidavit na nakuha ng Local 10 News.


Sinabi ni Hawkins na sobra ang pera at inulit na $1,100 lang ang kailangan niya.

Nang maiabot ang saktong halaga, kinuha ito ng suspek at lumabas na sa bangko.

Nahanap ng pulisya si Hawkins matapos makilala ng manager ng kalapit na sports bar na madalas nitong puntahan.

Dinakip nitong Martes sa kanyang tinitirahan ang suspek na ayon sa awtoridad ay umamin sa krimen at nagsabing, “I will make this easy”.

Inabutan din umano ni Hawkins ang mga pulis ng bank deposit slip na may nakasulat na: “Give me $1,100. Now, No Alarms, Hope to get caught.”

Nahaharap sa kasong pagnanakaw si Hawkins na nakapiit sa Palm Beach County jail.

Facebook Comments