SOUTH WALES, New York – Tila nasira ang plano ng isang magnanakaw na nanloob sa club nang makilala ng barmaid ang kanyang boses habang isinasagawa ang krimen.
Ayon sa ulat, Disyembre nakaraang taon bandang alas-11:00pm nang pasukin ni Luke Jones, 29 ang snooker club na may dala-dalang baril.
Itinutok niya ang armas sa ulo ng barmaid na si Yvette Smith para makuha ang lahat ng kaban ng naturang club na nakuhanan ng CCTV footage.
Ngunit makalipas lamang ang ilang sandali, biglang nagtanong si Smith sa suspek, “Why are you doing this to me Luke?”
Nang marinig ito ng suspek, bigla nitong tinanggal ang balot sa kanyang mukha at niyakap ang babae.
Ipinaliwanag niyang peke ang dalang baril at muling niyakap ang biktima.
Samantala, hindi naman napatigil ng pagiging magkakilala ng dalawa ang pagsampa ng reklamo sa suspek.
Sinasabing si Jones ay matagal ng customer ng naturang club kaya kilala ito ng barmaid.
Ayon kay Prosecutor Heath Edwards ng Cardiff Crown Court, mayroon umanong takot si Smith sa baril dahil ito raw ang ginamit noon ng kanyang kapatid sa pagpapakamatay.
Sa isang pahayag sinabi ni Smith na matindi ang traumang iniwan ng insidente kaya hindi na niya umano magagawang bumalik sa club.
Dagdag niya, bago mangyari ang panghihimasok, naghinala na siya kay Jones makaraang magtanong ito sa proses ng cashing o pagpapalitan ng pera.
Sa kabilang banda, matapos ang naudlot na pagnanakaw, lumipad patungo sa bahay ng kanyang ama si Jones para magtago.
Inaresto ito ng mga pulis na natagpuang nagtatago sa attic ng bahay at humaharap sa patung-patong na kaso gaya ng attempted robbery, possession of an imitation firearm with intent to cause fear of violence at possession of cannabis.
Limang buwan bago ang krimen, nakasuhan din si Jones ng possession of heroin with intent to supply at possession of an offensive weapon.
Nahatulan ng walong taong pagkakakulong si Jones dahil sa mga napatunayang reklamo.