Lalaking Nasawi at Biktima ng Hit and Run sa Gamu Isabela, Hindi pa Nakikilala!

Gamu, Isabela – Hindi pa nakikilala hanggang sa ngayon ang lalaking natagpuang patay at hinihinalang biktima ng hit and run kahapon sa pagitan ng Gamu at Roxas Road partikular sa Brgy. Barcolan, Gamu, Isabela.

Ayon kay Police Chief Inspector Richard Limbo, hepe ng Gamu Police Station, itinawag lamang umano sa kanilang himpilan ng isang concerned citizen ang umano’y aksidente sa nasabing lugar.

Aniya kaagad na nagresponde ang kanyang mga tauhan kung saan ay natagpuan ang biktima ng hit and run na may malalang sugat sa katawan at nakita rin sa lugar ang isang Rusi na motorsiklo na walang plaka.


Pahayag pa ni Police Chief Inspector Limbo na ang biktima ay nakasuot ng puting tshirt, camouflage na short pants, nasa katamtaman ang pangangatawan at nasa edad na tatlumpu’t lima hanggang apatnapu’t limang taong gulang.

Nasa punerarya Ramos sa Ilagan City ang bangkay ng biktima na maaring puntahan lamang umano ng sinumang kamag-anak nito.

Facebook Comments