Lalaking Natamaan ng Tumalsik na Bato, Patay!

Benito Soliven, Isabela- Nasawi ang isang lalaki matapos tamaan sa noo ng tumalsik na bato na dinaanan ng dalawang rumaragasang van sa national highway ng Brgy. District 1, Benito Soliven, Isabela, pasado alas otso ng gabi, nitong nakaraang araw ng Biyernes, May 26, 2018.

Ayon kay Police Senior Inspector Joel Bumanglag, hepe ng PNP Benito Soliven, ang biktima ay kinilalang si Mark Anthony Laman, 26 taong gulang, walang asawa at residente ng Barangay Balagan, San Mariano, Isabela.

Sinabi pa ni Senior Inspector Bumanglag na nakasakay ng kulay asul na Suzuki rider 150 ang biktima kasama ang angkas nito na si James Valiente, 21 taong gulang, walang asawa at residente rin ng naturang lugar.


Idinagdag pa ni COP Bumanglag na habang binabaybay umano nina Laman at Valiente ang national highway ng Benito Soliven ay nakasalubong nila ang dalawang van kung saan tumalsik ang nadaanang bato at tumama sa noo ni Laman na sanhi upang ihinto nito ang motorsiklo at natumba sa daan.

Dinala sa San Mariano Community Hospital si Laman para sa karampatang lunas ngunit dead on arrival na ito.

Hanggang sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng PNP Benito Soliven lalo na ang pagkakakilanlan ng dalawang drayber ng van.

Facebook Comments