Lalaking Pinagsasaksak ang Asawa Dahil sa Selos, Nakasuhan Na!

Jones, Isabela – Kinasuhan ng Frustrated Parricide at naaresto ang isang lalaki sa Jones, Isabela matapos saksakin ng maraming beses ang sariling asawa dahil lamang sa selos.

Sa nakalap ng impormasyon ng RMN News Cauayan kay Police Chief Inspector Rex Pascua, hepe ng PNP Jones kinilala ang akusado na si Marlon Mercado, 39 taong gulang samantala ang asawa nito ay si Carolina Mercado, 30 taong gulang, pawang residente ng Linomot, Jones, Isabela.

Batay sa naging imbestigasyon ng pulisya ay nagkaroon umano ng pag-aaway ang mag-asawa simula noong May 10,2018 at naulit nitong May 18,2018.


Pagkalipas ng ilang araw ay bigla na lamang sinaksak ni Marlon Mercado ang asawa ng maraming beses sa bahaging likuran ng katawan at kaliwang bahagi ng ulo nito.

Tinangka naman ng suspek na tumakas at magtago sa bahay ng isang kamag-anak ngunit nahuli rin ito ng mga otoridad sa bisa ng mandamyento de aresto na ipinalabas ni hukom Boniofacio Ong ng Regional Court Branch 24 at nakakulong na si Mercado sa BJMP Santiago.

Facebook Comments