Cauayan City, Isabela- Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 10-taong gulang na batang lalaki sa kanyang sariling ama matapos pagsasaksakin habang abala sa pag-aaral ng kanyang module sa loob ng kanilang bahay pasado alas-4:15 nitong huwebes, Setyembre 23, 2021 sa Brgy. Cullalabo Del Sur, Burgos, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMAJ. Prospero Agonoy, hepe ng PNP Burgos, nakatanggap sila ng isang tawag mula sa concern citizen na may insidente ng stabbing o pananaksak sa naturang barangay kung saan ang biktima ay kinilalang si Arjay Estela.
Habang ang suspek ang kanyang 35-anyos na ama na isang mekaniko na sinasabing balisa sa mga nakalipas na araw bago pa man maganap ang pananaksak.
Batay sa salaysay ng mga kaanak ng suspek, bigla umanong nag-iba ang pag-uugali ng suspek at minsan ay nakita umanong nagsasalita ang suspek ng mag-isa.
Lumabas rin sa imbestigasyon ng pulisya, problema rin umano ng suspek kung paano matutubos ang kanyang isinanlang motorsiklo at ang posibilidad na problemado rin sa kanyang asawang OFW dahil napag-alamang wala silang komunikasyon nito.
Pagkaraang masaksak ng suspek ang kanyang anak ay bumitaw ito ng salitang iloko “Pasensya kan anak ko, napatay kan”, at dito na nagawang tingnan ng mga kaanak ang loob ng kanilang bahay at tumambad ang duguang katawan ng bata.
Batay pa sa pagsisiyasat, nagtamo ng tatlong saksak sa dibdib at isa sa tiyan ang biktima dahilan ng agad nitong pagkamatay.
Tinangka rin umanong magpakamatay ng suspek matapos nitong laslasin ang kanyang leeg at tiyan pero agad naisugod sa pagamutan na mapalad na nakaligtas habang binawian ng buhay ang bata.
Nakatakda naming operahan ang suspek sa Cagayan Valley Medical Center matapos magtamo ng saksak sa tiyan kung saan lumabas ang laman-loob nito.
Inihahanda na ng PNP ang kasong Parricide laban sa suspek.
Nagpaalala naman si Agonoy sa publiko na hindi umano dahilan ang sitwasyon ngayong pandemya o anumang katayuan sa buhay para kumitil ng buhay ng isang tao.
Binigyang diin din nito na ipagpasadiyos na lang umano ang lahat ng problema para maiwasan na humantong ang nangyari sa bata.