Kinumrpima ng Department of Health (DOH) at ng Philippine Genome Center (PGC) na nakapasok na sa Pilipinas ang bagong variant ng Coronavirus Disease 2019 o mas kilala bilang B117.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang pasyente ay isang 29-anyos na lalaking real estate agent na nakatira sa Quezon City na umalis patungong United Arab Emirates noong December 27, 2020 para sa isang business trip at dumating sa bansa noong January 7 sakay ng Emirates Flight No. EK 332.
Agad isinailalim sa swab testing ang naturang pasyente pati na ang kasama nitong babae noong dumating sa bansa.
Dito nagpositibo sa COVID-19 ang Pilipinong pasyente habang nagnegatibo ang kaniyang kasama.
Mayroong pneumonia ang COVID variant positive patient at kasalukuyang ginagamot habang inilagay sa quarantine ang kasama nitong babae.
Nilinaw ng DOH, na wala silang exposure sa COVID-19 bago sila umalis ng bansa.
Sa ngayon, ikinasa na ng Quezon City government ang contact tracing para matukoy ang mga nakasalumuha nito.
Kumuha na rin ang DOH ng kopya ng flight manifest para matunton ang iba pang pasahero kasama ng dalawa.
Pinayuhan ng DOH ang mga pasaherong sakay ng nasabing Emirates Flight na agad na makipag-ugnayan sa kani-kanilang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs).
Paiigtingin din ang weekly genomic bio surveillance sa mga pasahero, local cases, re-infected patients at sa mga nagkakaroon ng clustering ng kaso.