Lalaking taga-Cebu na nakitaan ng COVID-19 UK variant habang nasa QC, negatibo na sa virus; Higit 300 nakasalamuha ng pasyente, target ng contact tracing

Negatibo na sa COVID-19 ang Liloan, Cebu resident na nakitaan ng UK variant nitong Pebrero habang nananatili sa isang apartment sa Quezon City.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, kahapon nang sumalang sa re-swabbing ang 35-year-old Overseas Filipino Worker (OFW) kung saan nagnegatibo siya sa test.

Samantala, 345 close contacts na ng pasyente ang kanilang na-trace at 105 sa kanila ang sumailalim na sa swab test.


Inaasahang lalabas ang resulta ng test ngayong araw.

Ayon sa alkalde, nakadepende sa resulta ng kanilang tests kung magpapatupad ng lockdown sa lugar ang lokal na pamahalaan.

“Paglabas na ng kanilang mga resulta, kung nakita natin na meron nang community transmission or clustering of cases ay I will recommend [lockdown],” pahayag ni Belmonte sa interview ng RMN Manila.

Galing South Korea ang OFW, dumating sa bansa noong Nobyembre at tumira sa Sucat, Parañaque.

Nag-apply muli siya para makapagtrabaho sa Taiwan at nang maaprubahan ang visa, nagpa-swab test siya noong Enero 17 kung saan siya nagpositibo sa COVID-19.

Inilipat siya ng kanyang manning agency sa isang apartment sa Barangay Commonwealth para sumailalim sa quarantine.

Nakatakda namang kasuhan ng lokal na pamahalaan ang manning agency ng OFW dahil sa paglabag sa health protocols.

Kasabay nito, pinawi ng alkalde ang pangamba ng mga taga-Quezon City at tiniyak na hindi ito magreresulta muli ng diskriminasyon sa lungsod.

“Tayo po ay magfa-file ng kaso doon sa manning agency na yan because I think they should be held accountable, they put our community at risk. We will be very strict in enforcing our quarantine protocols here in our city lalo na dun sa mga lumalabas ‘no?”

Facebook Comments