Binaril sa ulo ang isang lalaking umaawat lamang sa gulo sa isang bar sa Las Piñas City, Sabado ng madaling araw.
Binawian ng buhay sa ospital ang biktimang si Lauro Velasquez III, 40-anyos, may-ari ng isang vape shop.
Pahayag ng naulilang kaanak, nasa bar si Velasquez para ipagdiwang ang kaarawan ng kaibigan nang sumiklab ang rambulan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-ugat ang girian nang bastusin raw ang isang babae sa labas ng establisyimento.
Naawat umano nina Velasquez at kasamahan ang mga kalalakihang nag-away.
Pero makalipas ang ilang sandali, bumalik sa lugar ang isang grupo at may bitbit nang baril.
Sinubukan daw ng biktima kunin ang baril pero pinaputukan na siya sa ulo. Tumama din sa hita ng kaibigan nito ang isang ligaw na bala.
Idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan si Velasquez at nagpapagaling naman ang kasamahang nadamay sa away.
Kaagad nadakip ang itinuturong gunman na si Carlo Miranda at kasabwat niyang si Joshua Castillo.
Kasalukuyang nakapiit sa Las Piñas City jail si Castillo habang naka-hospital arrest naman si Miranda dahil sa tinamong head injury.
Hinahanda na ngayon ng awtoridad ang mga isasampang kaso sa mga nahulig salarin