Tatay, patay nang magtangkang kumain ng 50 pirasong itlog

Nasawi ang 42-anyos na tatay mula Jaunpur India nang magtangka nitong ubusin ang 50 pirasong itlog para sa £20 o nasa mahigit 1,000 pisong pusta ng kaibigan.

Batay sa ulat, nasa ika-42 na itlog na sana ang amang si Subhash Yadav, nang bigla itong bumagsak at nawalan ng malay.

Makalipas umano ang ilan pang oras ay hindi na muling nagising ang biktima.


Sa inilabas na report ng pulisya, nagkaroon ng challenge na may kasamang pustahan si Yadav kasama ng kanyang mga kaibigan sa isang palengke sa naturang lugar.

Kapalit ng mahigit 1,000 piso ay ang pagkain ng 50 piraso ng itlog, na agad namang tinanggap ng biktima.

Natakbo pa sa ospital si Yadav ngunit namatay rin kinalaunan dahil umano sa ‘overeating’.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima na magiging ama sana ng kanyang ikalimang anak.

Samantala, nakaraang taon nang maiulat ang isang babaeng binawian rin ng buhay matapos subukang kumain at pagkasyahin sa bibig ang maraming Jaffa cakes.

Facebook Comments