Lalaking Umawat sa Away ng Magkapitbahay, Sinaksak–Patay!

Mallig, Isabela – Patay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin kagabi ng mismong kapitbahay sa Brgy. San Pedro, Mallig, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Bobito Temporada Solidad, 43 taong gulang, magsasaka, walang asawa habang ang suspek ay kinilalang si Felipe Drapisa Guillermo, 53 taong gulang, magsasaka, may asawa, at kapwa residente ng naturang lugar.

Sa isinagawang imbestigasyon ng mga otoridad, pauwi na sa bahay ang biktima nang maabutan ang pagtatalo ng suspek sa kanyang kapitbahay.


Aktong aawat ang biktima ngunit bigla itong sinaksak ni Guillermo.

Nagawa pang tumakbo ni Solidad ngunit nahabol ito ni Guillermo at pinagsasaksak sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan habang tumakas naman ang suspek sa hindi malamang direksyon.

Agad na itinakbo ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklara rin itong dead on arrival (DOA).

Patuloy pa rin ang isinasagawang pagsisiyasat ng PNP hinggil sa naturang insidente.

Facebook Comments