LALAKING WANTED SA KASONG ROBBERY, NAHULIHAN DIN NG BARIL AT MARIJUANA

Mahaharap sa karagdagang kaso ang isang lalaking nadakip ng mga awtoridad sa kasong pagnanakaw matapos makumpiskahan ng baril at droga sa bayan ng Tuao, Cagayan noong Nobyembre 14, 2022.

Kinilala ang suspek na si alyas Steve, 20-taong gulang at residente Brgy Alabug, Tuao, Cagayan.

Ayon sa Police Regional Office 2, ang suspek ay naaresto sa mismong tahanan nito bandang 6:00 ng gabi noong Lunes sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Robbery.

Habang siya ay inaaresto, nakumpiskahan din ng isang paltik na baril at isang pakete na naglalaman ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana na may timbang na limang gramo.

Ito ay karagdagang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition na kanyang haharapin.

Ang akusado ay kaagad isinailalim sa physical examination sa Tuao District Hospital bago ito dinala sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 2 para sa isasagawang drug test habang ang mga nakumpiskang tuyong dahon ng marijuana ay isasailalim din sa laboratory test.

Facebook Comments