Lalawigan ng Batanes, Isinailalim sa State of Calamity!

*Tuguegarao City- *Isinailalim na sa State of Calamity ang buong Lalawigan ng Batanes matapos itong yanigin ng magkakasunod na malalakas na lindol magmula noong araw ng sabado, Hulyo 27, 2019 na kumitil sa siyam na katao partikular sa Itbayat ng nasabing Lalawigan.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa tanggapan ng Gobernador ng Lalawigan ng Batanes, idineklarang nasa ilalim ng State of Calamity ang Lalawigan batay na rin sa rekomendasyon ni Itbayat Mayor Raul de Sagon.

Ang nangyaring pagyanig ay nagdulot ng malaking pinsala sa probinsya na tinatayang nagkakahalaga ng P79.5 Milyon.


Ayon naman kay Governor Marilou Cayco, hindi pa maaring makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga residente hanggat mayroon pang mga naitatala na pagyanig.

Samantala, itinigil na ang isinasagawang rescue operations matapos matagpuan ang pang siyam na nawawalang biktima na nakilala sa pangalang Edwin Ponce.

Habang patuloy pa rin ang pagbibigay ng mga relief goods sa mga naapektuhan ng mapaminsalang lindol.

Facebook Comments