Nakalaya na ang lalawigan ng Rizal mula sa banta ng avian influenza.
Ito ang inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) kasunod ng pagkakakontrol nito matapos ang 28 araw ng pagkakasailalim sa mahigpit na quarantine measures.
Base sa DA Memorandum Circular No. 1 na ipinalabas ni Senior Undersecretary Domingo Panganiban, kinakailangan ang minimum period na 28 days bago ideklarang AI-free ang isang infected zone matapos makapagsagawa ng disinfection sa kahuli-hulihang apektadong establisyemento.
Tatlong magkakahiwalay na kaso ng Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) subtype H5N1 ang na-detect mula June hanggang July 2022 sa Rizal partikular sa munisipalidad ng Rodriguez, kung saan naapektuhan ang mga commercial chicken layer farm, mga backyard free-range chicken farm, at commercial contract grower farm.
Para maprotektahan ang mga local poultry industry, ipinagbawal ng DA ang importasyon ng domestic at wild birds at mga poultry product mula sa bansang may kumpirmadong AI virus outbreaks.