Wala pang scientific evidences na makapagpapatunay sa ngayon na mas mabilis makahawa o mas nakamamatay ang Lambda variant kumpara sa Delta variant ng COVID-19.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Philippine Genome Center Director for Health Programs Dra. Eva Maria dela Paz na kasalukuyan pa kasi itong pinag-aaralan ng mga eksperto.
Sa ngayon, ang Lambda variant ay idineklara bilang variant of interest ng World Health Organization (WHO).
Una itong na-detect sa Peru at ngayon, na-detect na rin ito sa 27 mga bansa sa buong mundo kung saan mayorya ay mula sa Latin American.
Dito sa Pilipinas, unang naitala ang Lambda variant sa isang 35 taong gulang na babae kung saan wala naman itong travel history sa labas ng bansa.
Samantala, wala pa ring konkretong ebidensya na makapagpapatunay na vaccine resistant ang Lambda variant.
Aniya, may posibilidad na bumaba ang vaccine efficacy pero hindi nangangahulugang hindi epektibo ang mga bakuna kontra COVID-19 Lambda variant.