LANDBANK at LTFRB, nagsanib pwersa para sa pagbabalik ng Service Contracting Program

Nagsanib pwersa ang Land Bank of the Philippines (LANDBANK) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa muling paglulunsad ng Service Contracting Program para sa mga public utility vehicle (PUV).

Ito ay para masiguro na mabilis ang pagbibigay ng cash remittance para sa mga makikilahok na PUV drivers sa libreng sakay program.

Sa ilalim ng programa, ang mga kwalipikadong PUV operator ay makakatanggap ng payout kada linggo dahil sa libreng sakay sa mga frontline healthcare workers at authorized persons outside residence (APORs) upang suportahan ang kanilang mga pangangailangan sa kinakaharap na pandemya.


Sa virtual launch ng Service Contracting Program Phase 2, sinabi ni LANDBANK President at CEO Cecilia Borromeo na ang kolaborasyon ay ginawa para makapaghatid ng maagap na financial assistance sa mga PUV operators sa buong bansa.

Aniya, nais nilang gawing ligtas ang payout at hindi maantala ang operasyon ng mga pampublikong transportasyon.

Sa pondo ng programa na aabot sa P3 billion, mangangasiwa ang LANDBANK sa crediting ng cash payments sa mga kwalipikadong PUV operators sa pamamagitan ng kanilang LANDBANK accounts at iba pang partner outlet tulad ng InstaPay at PESOnet.

Nakatuon din ang LANDBANK na makatulong sa gobyerno sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng pagsisikap na paunlarin ang sektor ng transportasyon sa bansa.

Sinusuportahan naman ng LANDBANK ang abot-kayang pagbili ng mga bagong modern public utility jeepneys at buses sa pamamagitan ng speed PUV at I-RESCUE for bus transport lending programs.

Hanggang nitong Agosto, aabot sa P2.32 billion na loan ang naipamahagi para sa pagbili sa 1,093 na modern unit sa ilalim ng SPEED PUV (Special Package for Environment-Friendly and Efficiently-Driven Public Utility Vehicles) habang P4 billion naman ang kasalukuyang nasa proseso para sa 43 na karagdagang aplikasyon ng loan.

Facebook Comments