Lumagda ang Land Bank of the Philippines (LANDBANK) at MEDICUM The Medical Center, Inc. (MTMCI) ng P300-million loan agreement para sa pagtatayo ng isang ospital at ibang pasilidad na may mga modern medical equipment sa Tabuk City, Kalinga.
Ito ay para makapagbigay ng maaasahan at de-kalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa gitna ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.
Ang nasabing programa ng LANDBANK ay makakapagbigay din ng tulong sa 16 na munisipalidad at mga karatig na lalawigan sa Kalinga.
Ang bagong ospital ay makukumpleto sa susunod na taon at magsisimula ang operasyon sa unang bahagi ng 2024.
Ayon kay LANDBANK President at CEO Cecilia C. Borromeo, patuloy na palalawakin ng LANDBANK ang pagbibigay ng tulong pangkalusugan sa bawat Pilipino na may maayos at de-kalidad na serbisyo.
Samantala, patuloy na sinusuportahan ng LANDBANK ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa buong bansa upang muling bumalik ang sigla ng ekonomiya.
Matatandaan, noong December 2021, umabot na sa P40.04 bilyon ang natitirang mga pautang ng LANDBANK sa mga MSME.