Bagabag, Nueva Vizcaya – Tatlong aksidente sa lansangan ang naitala sa national hi-way na sakop ng Bagabag, Nueva Viscaya kahapon, araw ng Biyernes Santo, Marso 30, 2018.
Ang pinakamalala sa tatlong aksidente ay ang pagbangga ng isang trailer truck na may kargang 1,100 bag ng semento sa dalawang kasalubong na sasakyan at nagresulta ito sa pagkamatay ng isa at pagkasugat ng 14 na iba pa.
Ang unang aksidente ay nangyari bandang 10:45 ng umaga sa Purok 1, Barangay Villaros, Bagabag, Nueva Viscaya.
Ang nabangga nitong mga sasakyan ay ang nakasalubong Mitsubishi L300 at Toyota Hi-Ace van.
Nagresulta ito sa pagkamatay ng isang Nazareno Relado, pasahero ng Mitsubishi L 300, 41 anyos, at residente ng Las Piñas City at ayon sa imbestigasyon ng PNP, dead on the spot ito sa pinangyarihan ng aksidente.
Samantala ang 14 na nasugatan ay nadala sa ospital na karamihan sa kanila ay nakalabas na sa pinakahuling monitoring ng PNP Bagabag habang sinusulat ang balitang ito.
Ang dalawa pang aksidente ay magkasunod na nangyari bandang 6:50 ng gabi sa parehong petsa ng Marso 30, 2018 sa national highway, Purok 3, Tuao North, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Ang aksidente ay sa pagitan ng Honda Dash at Euro Keeway Single Motorcycle.
Samantala, bandang 6:55 ng gabi ay sumunod na nangyari ang banggaan ng isang Euro 150 Single Motorcycle at Rusi tricycle na kung saan ay apat ang naitalang nasugatan.
Nangyari ito sa national highway, Purok 4, Sitio Kinacao, Brgy Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa ginawang panayam ng RMN Cauayan News kay PCInsp Ferdinand Laundencia, hepe ng Bagabag PNP, isasampa sa araw ng Lunes ang mga kaso kaugnay sa mga naturang aksidente pangunahin na ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Multiple Physical Injuries and Damage to Property sa driver ng trailer truck na si Joey Remegio ng Cabatuan, Isabela.
Sinabi ng hepe na sadyang minalas ang Biernes Santo ng Bagabag dahil sa ‘three hits’ na vehicular accidents na nangyari sa kanyang sinasakupan.
Mabuti na lamang aniya at agad narespondehan ang mga ito ng mga kapuwestong rescue at volunteer groups na ipinakat ng LGU sa mga lansangan kaya agad silang nakatugon sa mga naturang aksidente.