
CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na isulong ang potensyal ng Quirino Province pagdating sa larangan ng export.
Bilang hakbang, binisita ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 2 – Quirino Provincial Office sa pangunguna ni DTI Quirino Provincial Director Mary Ann C. Dy ang Ube and Rootcrops Processing Center ng Quirino Young Entrepreneurs Association (QYEA) sa Quirino State University, Diffun, Quirino.
Ang aktibidad ay kasunod ng isang strategic dialogue sa pagitan ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) at DTI na ginanap sa opisina ng ahensya sa Tuguegarao City.
Sa naturang pagpupulong, tinalakay ang malawakang plano at programang susuporta sa mga lokal na negosyo, tulad ng mga training para sa kahandaan sa eksport, pagpapaunlad ng kapasidad, at pagtukoy ng mga oportunidad sa pamumuhunan.
Ang pagtutulungang ito ay patunay ng layunin ng CEZA at DTI na paunlarin ang lokal na ekonomiya para sa pag-unlad ng Lambak ng Cagayan, bigyang suporta ang mga negosyanteng Quirinian, at dalhin ang yaman ng lalawigan sa pandaigdigang entablado.









