Tuesday, February 10, 2026

Larawan na nakikipaghalikan kay Rep. Abante, fake – Rep. Barbers

Iginiit ni Surigao del Norte Representative Bernadette Barbers na fake news ang kumakalat na larawan sa social media na nagpapakita sa kanya na nakikipaghalikan kay Manila Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr.

Ipinabatid ni Barbers na ang nasabing larawan ay AI-generated, hindi totoong nangyari, at higit sa lahat, isang kabastusan.

Ayon sa congresswoman, ito ay isang uri ng panlilinlang na layuning maghasik ng intriga at sirain ang dangal ng mga taong tahimik na naglilingkod.

Iginiit ni Barbers na hindi lamang ito kawalan ng respeto kundi isang insulto sa katotohanan, pagyurak sa integridad, at mapanganib na pag-abuso sa teknolohiya.

Bunsod nito, nananawagan si Barbers sa lahat na maging mapanuri, magsagawa ng fact-checking, at huwag maging kasangkapan ng kasinungalingan.

Paalala niya, ang katotohanan ay hindi dapat ginagawang laruan—lalo na kung ang kapalit ay dangal at reputasyon ng kapwa.

Facebook Comments