Larawan ng isang military aircraft na sakay ang mga PPE para ibenta sa mga ospital, fake news ayon sa OCD

Hindi totoo ang kumakalat na larawan sa social media na makikitang ibinibaba ang mga Personal Protective Equipment o PPE sa isang military aircraft at sinasabing ibebenta sa mga ospital na ipinost ng isang netizen.

Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Undersecretary Ricardo Jalad, lahat ng mga donasyong PPE ay direkta nilang ipinamimigay sa iba’t ibang health institutions at hindi nila ito ibinebenta.

Kaya naman kinokondena ng OCD ang ginawang pagpapakalat ng fake news na, aniya, ginawa para sa pansariling interes lamang.


Giit ni Jalad, lahat ng donasyon at mga biniling medical items at maayos na nai-di-distribute at mayroong transparency.

Babala ni Jalad sa nagpapakalat ng impormasyon na sasampahan nila ng kaso.

Sa ngayon, naglunsad na ang OCD ng section for COVID-19 donations sa kanilang website, kung saan makikita ang lahat ng donasyon natanggap ng ahensya at saan ito ipinamimigay.

Matatandaang inatasan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang OCD na pangasiwaan ang mga pagtanggap ng mga donasyon at pagbili ng mga medical equipments para sa mga medical frontliner.

Facebook Comments