Larawan ng “person of interest” sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid, inilabas na ng PNP

Inilabas na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang larawan ng “person of interest” sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid habang pauwi sa kanyang bahay sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City noong October 3.

Sa press briefing, inihayag ni NCRPO Chief Police Brigadier General Jonnel Estomo na nakuhanan ng CCTV camera ang nasabing person of interest sa lugar kung saan dumaan ang sasakyan ni Lapid bago siya pagbabarilin.

Sa ngayon ay umabot na sa P1.5 million ang reward money para sa mga makakapagbigay ng impormasyon sa kaso.


Kalahating milyong piso dito ay mula kay Abalos at ang natitirang isang milyon ay mula sa concerned citizens at mga kaibigan ng biktima.

Present naman sa briefing si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos kung saan tiwala siyang madali nang mai-identify ang person of interest.

Bunsod nito, ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., na paigtingin ang mga ipinapatupad na “Oplan Sita” sa mga checkpoint sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at kalapit probinsya.

Kasabay nito, inatasan na rin ang mga PNP district director na magsagawa ng diyalogo sa mga mamamahayag upang hindi na maulit ang insidente ng pamamaslang sa mga media practitioner.

Facebook Comments