Philippine Development Plan ng Marcos administration, nakatututok sa paglikha ng mas maraming trabaho at pagbawas sa antas ng kahirapan

Nakasentro sa paglikha ng trabaho at paglaban sa kahirapan ang nakapaloob sa Philippine Development Plan (PDP) para susunod na anim na taon ng Marcos administration.

Ayon kay National Economic Development Authority (NEDA) Assistant Secretary Sarah Daway-Ducanes, nagsisimula na nilang buuin ang nasabing plano na aniya’y nakabatay sa “Ambisyon Natin 2040” tungo sa isang matatag, maginhawa at panatag ng buhay para sa bawat Pilipino.

Sinabi ni Ducanes na sa paglikha ng maraming trabaho tutukan ang pagkakaroon ng malinaw na innovation system na magbibigay ng mga panibagong ideya, produkto at proseso para sa economic transformation sa bansa.


Sa usapin naman ng pagbawas sa antas ng kahirapan, sinabi ni Ducanes na tatlong bagay ang tututukan nila rito.

Una ay ang pagbubukas ng ekonomiya, pangalawa ang paglikha ng mas maraming investments sa human capital, social development at social protection upang mas maging matatag ang bansa sa mga pagbabago na hindi inaasahan.

At ang panghuling target ay ang pagbabago sa sektor ng produksyon para makalikha pa ng mas mataas na kalidad na trabaho at magkaroon ng mas competitive na produkto sa merkado.



Facebook Comments