Las Piñas City Government, may inilaan ng pondo para sa COVID-19 vaccine

Photo Courtesy: City of Las Piñas Facebook Page

Naglaan ang Las Piñas City Government ng ₱200-milyong pisong pondo o augmentation funds sa national government para sa karagdagang pagbili ng COVID-19 vaccines upang mabigyan ng libreng bakuna ang mga residente sa lungsod.

Ayon kay Mayor Imelda Aguilar, libreng ipagkakaloob ang mga COVID-19 vaccines partikular sa mga frontliners na kinabibilangan ng medical at health care workers, mga kawani ng lokal na pamahalaan, tauhan ng Las Piñas City Police, senior citizens at mahihirap na residente sa lungsod.

Tiniyak ni Aguilar na sakaling kailanganin pa ng karagdagang pondo para sa COVID-19 vaccines, ay handang magbigay ang lokal na pamahalaan.


Binigyang diin naman ni Aguilar na sa kabila ng nananatiling mababa ang kaso ng COVID-19 sa lungsod, hindi pa rin magpapakampante ang lokal na pamahalaan lalo na ngayong kumakalat na sa iba’t ibang bansa ang bagong COVID-19 variant.

Bunsod nito ay muling pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang lahat na mag-ingat, maging disiplinado at patuloy na sumunod sa health and safety protocols upang maiwasan ang mga sakit.

Facebook Comments