Patuloy na naghahanda ang lokal na pamahalaan ng Las Piñas para sa pagsisimula ng kanilang vaccination rollout para sa kanilang medical personnel gayundin sa kanilang mga residente.
Mismong si Las Piñas City Vice-Mayor April Aguilar ang nagsasagawa ng occular inspection sa mga vaccination sites kung saan una na niyang napuntahan ang University of Perpetual Help System Dalta, Las Piñas Doctors Hospital at Gatchalian Covered Court sa Brgy. Manuyo Dos.
Layunin ng inspeksiyon na masiguro na maayos at masusunod ng wasto ang mga inilatag na pamantayan batay sa vaccination plan ng lokal na pamahalaan bago simulan ang nalalapit na malawakang pagbabakuna.
Ang mga nasabing vaccination sites ay inilaan rin para sa mga medical at health care frontliners kung saan sila ang prayoridad na mabigyan ng bakuna.
Bukod dito, sumailalim na rin sa pagsasanay ang mga IT ng Dr. Filemon C. Aguilar Information Technology Training Institute para sa encoding at tracking sa COVID-19 vaccines magmula sa storage facility patungong vaccination sites bilang paghahanda sa nalalapit na vaccination program.
Nabatid na isa sa mga layunin ng pagsasanay ay para maingatan at maprotektahan ang distribusyon ng mga bakuna at mapanatiling ligtas at epektibo ang mga ito.