Muling nagpapaalala ang Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas na mag-doble ingat, maging disiplinado at sumunod sa minimum health standards na ipinapatupad ng pamahalaan.
Ito’y kasunod ng patuloy na pagbaba ng bilang ng aktibong kaso sa lungsod sa mga nakalipas na araw.
Sa inilabas na datos ng Las Piñas City Health Office (LPCHO), nasa 60 na lamang ang aktibong kaso sa lungsod kung saan nasa 5,453 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso.
Umaabot naman sa 203 ang nasawi at 5,190 ang nakarekober sa virus.
Kaugnay nito, nasa tatlong barangay mula sa 20 barangay ang wala ng naitatalang aktibong kaso ng COVID-19 at ilan sa mga ito ay ang Barangay Elias Aldana, Manuyo Uno at Pamplona Dos.
Muli ring paalala ng Las Piñas Local Government Unit (LGU) sa mga residente at mga negosyante sa lungsod na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit at pagbebenta ng lahat ng uri ng paputok base sa City Ordinance Number 1484-17 na ipinatutupad simula pa noong 2017.