SYDNEY, Australia – Arestado ang isang tsuper at sinisingil sa reklamong manslaughter dahil sa pagkamatay ng apat na batang nabangga ng kanyang minamanehong sasakyan noong Sabado, Pebrero 1.
Sa report ng pulisya, sinasabing naglalakad noon ang pitong kabataan sa sidewalk sa Oatlands para bumili ng ice cream bandang alas 8:00pm nang biglang humarurot ang isang SUV.
Napuruhan ng nawalan ng kontrol na sasakyan ang mga bata na kumitil sa buhay ng apat habang malubha namang nasugatan ang isa pa.
Nakaligtas naman sa insidente ang dalawang iba pang bata na kasamang naglalakad sa lugar.
Arestado at humaharap sa patung-patong na reklamo ngayon ang suspek na si Samuel Davidson na nasa kustodiya na ng mga pulis.
Nito lamang Linggo, Pebrero 2, inaasahang dumalo sa korte si Davidson ngunit hindi ito sumipot at tumanggi sa pyansa hanggang sa muling pagdalo nito sa korte sa April 2.
Samantala, labis ang pangungulila ngayon ng pamilya ng mga biktima na naiulat pang magkakapatid.
Ayon sa tatay ng mga bata na si Danny Abdallah, dapat umanong mag-ingat ang mga drivers sa pagmamaneho ng sasakyan.
Aniya, “These children were just walking innocently, enjoying each other’s company… and this morning I woke up and I have lost three kids.”
Tatlo sa mga namatay ay ang magkakapatid na sina Antony, 13; Angelina, 12; at Sienna, 9.
Ang ikaapat na sugatan ay kaanak din ng mga ito na agad na naisugod sa ospital.
Ang isa namang kapatid ng mga biktima ay idinala rin sa pagamutan dahil sa malubhang kondisyon.
Kaugnay nito, naiulat na nakainom si Davidson ng alak na tatlong beses ang tama sa legal na limit sa Australia.
Naireport din na may sakay na pasahero ang suspek na sinubukan pa raw tulungan ang mga bata.