LAST CHANCE | AFP at PNP, kapwa suportado ang pagsisimulang muli ng peace talks

Manila, Philippines – Suportado ng hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippins National Police (PNP) ang huling pagkakataong ibinigay ng Pangulong Rodrigo Duterte para isulong muli ang usapang pangkapayapaan.

Sinabi ni AFP Spokesperson Brigadier General Bienvenido Datuin, lahat ng mga hakbang ng pamahalan na makakatulong para makamit ang pang matagalang kapayapaan sa bansa ay kanilang susuportahan.

Sa ngayon, ipagpapatuloy aniya nila ang kanilang misyon na protektahan ang taong bayan at estado.


Sa panig naman ng PNP sinabi ni PNP Spokesman Police Chief Supt. John Bulalacao, na nakikita ngayon ng publiko kung gaano ka seryoso ang gobyerno sa pakikipag usap muli sa CPP-NPA-NDF pero hiling ng pamunuan ng PNP maging seryoso sa usapan ang grupo.

Kinakailangan aniyang makontrol nila ang kanilang mga tauhan sa ground upang maging matagumpay ang usapang pangkapayapaan at tuluyan nang makamtan pangmatagalang kapayapaan.

Facebook Comments