Nangako ang DEPED National Employees Union na tutulong sila sa Department of Education sa pagpapatupad ng Last Mile Schools Program.
Layon nito na matugunan ang ‘gap’ o agwat sa mga resources at pasilidad sa mga paaralan na nasa mga isolated na lugar at conflict-affected areas.
May 32,000 miyembro ang Employees Union sa buong bansa na handang suportahan ang flagship program ng DepEd.
Ayon kay Atty. Domingo Alidon, DepEd-NEU President, ang nasabing inisyatibo ay mahalaga dahil maraming kabataan at out-of-school youth sa far-flung areas ang mabibigyan ng edukasyon.
Paliwanag ni Alidon, mismong DepEd na ang lumalapit doon at anumang pangangailangan ng mga paaralan sa remote areas ay mabibigyan agad ng atensyon ng Departmento.
Nangako rin ang grupo na tutulong din sila sa DepEd sa pagmonitor sa estado ng proyekto.
Nauna nang sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na bagama’t agresibo ang ahensiya sa pagtatayo ng mga school buildings at pagbibigay ng mga kagamitan ay mga paaralan pa rin aniya ang hindi nakakatugon sa pamantayan sa iba’t ibang education inputs.
Dagdag pa ni Alidon na prayuridad nito ang Last Mile Program upang marating ang lahat ng kabataan saan mang sulok sa bansa upang walang sinuman ang mapag-iwanan sa usapin ng edukasyon.