Dahil sa COVID-19 pandemic ay maaaring hindi makamit ang target na ibaba sa 14% sa taong 2021 ang antas ng kahirapan sa Pilipinas.
Ito ang sinabi ni National Economic and Development Authority o NEDA Secretary Karl Kendrick Chua sa pagtalakay ng Senado sa proposed 4.5 trillion pesos na 2021 national budget.
Sabi ni Chua, dahil sa pandemya ay posibleng maging 15.5% hanggang 17.5% ang poverty incidence rate sa bansa sa susunod na taon.
Dagdag pa ni Chua, mas higit na nakakaranas ng kahirapan ang urban areas o mga lungsod dahil sa pandemya sapagkat ang kabuhayan sa rural areas o kanayunan, tulad ng agrikultura, ay hindi masyadong apektado.
Sa budget hearing ay ibinalita rin ni Chua na nitong July ay bumaba na sa 10% ang antas ng kawalan ng trabaho na tumaas sa 17% noong Abril dahil sa mga ipinatupad na community quarantine kung saan maraming negosyo ang nagsuspendi ng operasyon.