Lazada, Shopee, Facebook Marketplace, posibleng managot sa pagbebenta ng bawal na produkto

Maaaring managot ang mga electronic commerce o eCommerce platforms kasama ang mga kompanya o sinumang partidong nagbebenta ng mga bawal na digital products sa ilalim ng panukalang Internet Transactions Act.

Sinabi ito ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian matapos maglabas kamakailan ang National Telecommunications Commission (NTC) ng show cause at cease-and-desist orders laban sa Lazada, Shopee at Facebook Marketplace.

Kasunod ito ng pagbebenta nila ng SMS blast machines sa mga online shopping site.


Sa panukalang batas o Senate Bill No. 1591 na inihain ni Gatchalian, isinama ang probisyon na Joint and Solidary Liability para maging responsable ang mga ganitong platforms at mabigyan ng proteksyon ang mga konsyumer.

Binigyang diin sa Internet Transactions Act ni Gatchalian na dapat alam ng online eCommerce platform kung ang ibinebentang digital products ay pinapayagan ng mga umiiral na batas.

Dagdag pa ni Gatchalian, dapat din ay alam nila kung ang online merchant o nagbebenta ng digital products ay rehistrado sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at maaaring ialok ng eCommerce platform dahil kung hindi, pareho silang pananagutin sa batas batay sa tinatawag na solidary liability.

Tinukoy ni Gatchalian ang sinabi ng NTC na may paglabag sa Radio Control Law at iba pang regulasyon katulad ng Prohibition of Portable Cellular Mobile Repeater and Portable Cell Site Equipment ang pagbebenta ng text o SMS blaster machines at mga kapareho nitong equipment.

Facebook Comments