Leadership Summit Para sa mga Katutubong Agta, Inilunsad

Cauayan City, Isabela- Naglunsad ng tatlong araw na Leadership Summit para sa mga Indigenous People gaya ng mga katutubong Agta ang 95th Infantry (Salaknib) Battalion, 5th Infantry (Star) Division, katuwang ang mga ahensya ng pamahalaan.

Sa ibinahaging impormasyon ni Army Major Noriel Tayaban, DPAO Chief ng 5th ID, sinimulan ang tatlong araw na aktibidad nitong ika-13 ng Setyembre 2020 na may temang “Ating mga Katutubo: Kultura ay ating Linangin at Pagyamanin”.

Layunin ng naturang aktibidad na linangin ang kakayahan ng mga katutubong agta para sa kanilang pangkabuhayan at mabigyan sila ng kaalaman ukol sa mga serbisyong ipinagkakaloob ng pamahalaan sa ilalim ng Executive Order #70 o National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).


Ayon kay Dir Demetrio Anduyan Jr., Provincial Director ng Technical Skills Development Authority (TESDA) Isabela, ang naturang leadership summit ay isang napakahalagang pagsasanay upang mapabuti ang pamumuno sa kanya kanyang nasasakupan.

Siniguro naman ni Col Boligo Aggabao, Ret. PA, Municipal Administrator ng Local Government Unit ng San Mariano, Isabela, ang tulong at suporta ng kanilang lokal na pamahalaan para sa mga katutubong agta at mananatiling bukas ang kanilang tanggapan para sa kanila.

Dahil dito, lubos naman ang naging pasasalamat ni Ginang Marites Andana, Federation President ng Agta Community sa bayan ng San Mariano dahil sa ginagawang pagsisikap ng 95IB upang sila ay matulungan sa kanilang pagbabagong buhay.

Hinikayat naman ni Lt Col Gladiuz Calilan, Battalion Commander ng 95IB ang mga katutubong agta na huwag matakot at mahiyang lumapit sa kanila dahil pantay-pantay lamang ang estado ng bawat isa, sundalo man o kabilang sa IP Community.

Facebook Comments