League of Provinces of the Philippines, nababahala sa posibleng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga probinsya ngayong paparating na Semana Santa

Ikinabahala ng League of Provinces of the Philippines (LPP) ang posibleng pagdami ng kaso ng COVID-19 sa mga probinsya sa darating na Holy Week.

Kasunod ito ng inaasahang pag-uwi ng mga taga-National Capital Region (NCR) ngayong Semana Santa sa kanilang mga probinsya.

Dahil dito, hiniling ni LPP President at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr. sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan silang isailalim sa COVID-19 test ang mga pasahero pagdating sa kanilang lugar.


Ayon kay Velasco, sakaling pumayag ang IATF sa kanilang hiling ay desisyon na ng LGU kung anong klaseng test ang gagawin at kung sino ang magbabayad nito.

Kaugnay nito, nagpaalala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko na kung hindi naman kailangang bumiyahe patungong probinsya ay manatili na lamang sa kanilang tahanan.

Samantala, kinuwestiyon ng ilang senador ang pagtatakda ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 ng limitasyon sa mga Pilipinong galing sa abroad na papapasukin sa bansa simula Marso 20 hanggang Abril 19.

Giit ni Senator Joel Villanueva, hindi dapat limitahan ang mga Pilipinong nais umuwi sa bansa at sa kanilang pamilya na posibleng problemado sa abroad.

Facebook Comments