Inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi ginagamit ng Department of Education (DepEd) ang nag-viral na learning modules na may double-meaning ang mga pangalan.
Ayon kay Roque, ang nasabing learning modules ay ginawa ng mga Catholic schools na aprubado ng diocese.
Dagdag pa ni Roque, mas maiging tanungin ang liderato ng Simbahang Katolika kung bakit nila inaprubahan ang malalaswang modules.
Una nang itinanggi ng DepEd na sa kanila ang modules.
Humingi na rin ng tawad ang Association of Catholic Schools of the Diocese of Iba, Zambales sa nasabing learning material na para sa isang philosophy subject na ituturo sa mga senior high school student sa pamamagitan ng distance learning.
Samantala, hinamon ng Teacher’s Dignity Coalition ang DepEd na magtungo sa mga pampublikong paaralan sa bansa para makita ang tunay na sitwasyon hinggil sa pagbubukas ng klase sa October 5, 2020.
Ayon sa grupo, dapat pangunahan ng matataas na opisyal ng DepEd ang pagdalaw sa mga paaralan para makita nila ang kahandaan ng public education system sa pagbubukas ng klase sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 pandemic.
Iginiit pa ng grupo na huwag umasa sa mga online report na isinumite sa kanila ng ilang field officials na nagagawang itago ang katotohanan sa lagay ng edukasyon ngayong may pandemic.