Manila, Philippines – Ipinagmalaki ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang malaking pagbabago sa kalidad ng tubig sa Manila Bay.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, bagaman marumi pa rin ang tubig sa Manila Bay malaki na aniya ang ibinaba ng lebel ng fecal coliform dito.
Aniya, bago ang clean-up drive, umaabot pa sa 330 milyon most probable number ang fecal coliform content sa bahagi ng Padre Faura sa Ermita.
Pero base sa pinakahuling laboratory analysis sa waste water samples dito, bumaba na ito sa 7.9 milyon MPN.
Bukod dito, sabi ni Cimatu na malaki rin ang ibinaba ng fecal coliform content sa may remedios na dating nakapagtala ng 160 milyon MPN pero sa huling pagsusuri, pumapalo nalang ito sa 65 milyon MPN.
Bumaba naman daw sa 52 milyon MPN mula 1.3 bilyon ang fecal coliform content sa Yacht Club.
Nauna nang iginiit ng DENR na maaaring magtagal ng ilang taon ang rehabilitasyon ng Manila Bay.