Sa kabila ng mga pag-ulan kamakailan buhat ng mga dumaang bagyo at ng hanging habagat ay nananatiling mas mababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Ayon kay National Water Resources Board (NWRB) Executive Director Sevillo David Jr., nasa 177.93 ngayon ang water level ng dam, mas mababa sa minimum operating level na 180 meters at sa target water level na 212 meters.
Paliwanag ni David, hindi nakakaabot sa watershed ng Angat ang mga pag-ulan na nararanasan sa Metro Manila na makakatulong sana sa pag-recover ng tubig sa dam.
Sa kabila nito ay siniguro nito na sapat pa rin ang suplay ng tubig sa Metro Manila.
Positibo naman ang pananaw ng opisyal na babalik sa normal na lebel ng tubig ang dam sa bansa sa nagpapatuloy na rainy season.
Samantala, nanawagan ito sa publiko na mag-conserve ng tubig upang maiwasan ang posbilidad ng water shortages.