Kinumpirma ng Marikina City Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) na nananatiling normal ang antas ng tubig sa Marikina River simula kahapon sa kabila ng pag-ulan na dulot ng Bagyong Aghon.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Marikina City Rescue 161, bandang alas-11 ng umaga ay nasa 11.8 meters pa rin ang lebel ng tubig simula 9:30 ng umaga.
Bumaba kumpara sa mga pinaka-unang ulat bandang alas-8:00 ng umaga na umabot sa 12 meters.
Mas mababa rin ito kumpara sa pinakahuling naiulat nitong Linggo ng gabi bandang alas-11 kung saan naitalang umabot sa 12.3 meters.
Batay sa pamahalaang lungsod ng Marikina, ang unang alarma ay ilalabas kung ang antas ng tubig ng ilog ay aabot sa 15 metro, na mag-uudyok sa mga residente na maghanda para sa paglikas.
Samantala, ang ikalawang alarma naman ay itataas kung aabot sa 16 na metro ang antas ng tubig at mag-oobliga sa mga tao na umalis sa kanilang mga tahanan; habang ang ikatlong alarma ay itataas kapag umabot ang tubig sa 18 metro at mangangailangan ng sapilitang paglikas.