Lebel ng tubig sa pitong istasyon sa Bicol River Basin, tumataas

Malapit nang umapaw ang pitong istasyon ng Bicol River Basin at inaasahang makaapekto sa mga mabababang lugar at urban areas na hindi maayos ang drainage system sa rehiyon.

Batay sa flood bulletin ng DOST-PAGASA, mabilis na tumaas ang lebel ng tubig sa Calzada Station Quinali River na nasa 2.73 meters at posible itong makaapekto sa mga bayan ng Oas, Libon at Polangi.

Ang Bato Station sa Lake Bato Bicol River ay nasa critical point na 4.35 meters at posibleng bahain ang mga bayan ng Bato, Nabua at Libon.


May bahagyang pagtaas din ng lebel ng tubig sa Camaligan Bicol River na nasa 1.21 meters at inaasahang babahain ang mga bayan ng Camaligan, Bombon, Magarao, Canaman, Naga City, Gainza at Pamplona.

Umabot naman sa 11.87 meters ang water level sa Sipocot Station ng Sipocot River na itinuturing nang critical level at maaaring palubugin ang mga bayan ng Cabusao, Urbamanan, at Sipocot.

Tumataas din ang water level sa Buhi Station ng Lake Buhi/Barit/Iriga River na nasa 1.33 meters at posibleng maapektuhan ang mga bayan ng Buri, Pob, Iriga, at Nabua.

Itinaas na ang alert sa Ombao Station matapos umabot sa 4.65 meters ang lebel ng tubig na maaaring magpabaha sa mga bayan ng Ombo, Baao, Bula, Pili, Minalabac, Milaor, at San Fernando.

May pagtaas din ng lebel ng tubig sa Balongay station na banta sa bayan ng Calabanga.

Facebook Comments