Isinisulong ng isang mambabatas sa La Union ang pagkakaroon ng Public Legal Liability Insurance ng mga may-ari at operator ng mga gusali, istruktura o anumang establisyimento na may kapital na P100,000 pataas.
Sa ginanap na regular session ng Sangguniang Panlalawigan, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ganitong uri ng insurance ay hindi lamang proteksyon para sa mga negosyo, kundi pati na rin sa publiko laban sa hindi inaasahang aksidente o pinsala sa loob ng mga establisyemento. Sa ganitong paraan, masisiguro ang seguridad ng mamimili at mapapalakas ang tiwala sa lokal na komersyo.
Nag-ugat ang panukala mula sa karanasan ng mga establisyimento sa lalawigan noong nakaraang taon, na lubhang naapektuhan ng pananalasa ng mga nagdaang sama ng panahon. Kabilang dito ang isang iconic na café na itinatag pa noong 1980, na tuluyang winasak ng bumagsak na puno dahil sa malakas na hangin dulot ng Bagyong Emong.
Hinihikayat ang mga may-ari ng mga negosyo na maging responsable at magpatala sa Public Legal Liability Insurance bilang bahagi ng mas malawak na adbokasiya para sa ligtas at maayos na kapaligiran sa La Union. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









