Nababagalan na si Senator Panfilo “Ping” Lacson sa pagsasaligal nang pagpasok ng COVID-19 vaccine sa bansa na siyang pinakamahalaga ngayon.
Kaya giit ni Lacson sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA), igawad na ang compassionate special permits upang makapasok sa bansa ang mga COVID-19 vaccines sa lalong madaling panahon.
Ikinatwiran ni Lacson na ang kabagalan sa pagkilos upang magkaroon na ng bakuna ang bansa laban sa COVID-19 ay karagdagang patunay na nagpabaya ang ilang opisyal kaya naunahan tayo ng ibang bansa sa katiyakan ng suplay ng bakuna.
Isiniwalat din ni Lacson ang obserbasyon ni Chinese Ambassador Huang Xilian na may mga opisyal ng pamahalan na nagbanggit ng pagbili ng bakuna sa China subali’t wala umanong nagbigay ng commitment sa mga ito.
Ang obserbasyon ay ikinuwento ng Chinese ambassador sa isang kaibigan ni Lacson.
Dahil walang gumawa ng seryosong hakbang sa pagkakaroon ng suplay ng bakuna sa bansa, binanggit ni Lacson na posibleng sa ibang bansa na lamang ito ibigay ng China.
Ipinunto pa ni Lacson na nakakahiyang isipin na ang Pilipinas ay magkakaroon ng bakuna laban sa COVID-19 dahil sa inisyatiba ng pribadong sektor at hindi ng pamahalaan na siyang may pangunahing responsibilidad para sa mamamayan nito.