Maglalabas ng legal na opinyon ngayong linggo ang Commission on Elections (COMELEC) hinggil sa magiging pinuno ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.
Kinumpirma ito ni COMELEC Chairperson George Garcia kaugnay ng naganap na plebisito na nagresulta sa paghahati ng lalawigan ng Maguindanao sa dalawang probinsya.
Dahil dito, magkakaroon ng sariling mga opisyal ang Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur na mangangailangan ng appointment.
Kaugnay nito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga residente ng dalawang lalawigan na maghalal ng bagong mga opisyal sa darating na 2025 midterm elections.
Pero nilinaw ni Garcia, mananatili pa ring gobernador sa isang lalawigan si Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu.
Matatandaang batay sa municipal canvass ng naganap na plebisito sa Maguindanao, 99.27% o 706,558 ang bumoto na pabor sa paghahati ng lalawigan, habang 0.73% o 5,209 naman ang hindi pabor sa nasabing panukala.