Manila, Philippines – Hindi muna ini-isip ng United Filipino Consumers and Commuters at Federation of Philippine Industries ang posibleng pagdulog sa Dept. of Justice o sa korte kaugnay ng talamak na pagdagsa ng substandard na bakal at semento sa bansa.
Sa ngayon, hinihintay muna ng dalawang grupo ang tugon ng Dept. of Trade and Industry sa kanilang sulat.
Ayon sa UFCC at FPI, patuoy silang nakatatanggap ng reklamo hinggil sa pagpasok sa bansa ng mga substandard na bakal at semento.
Ibinunyag din ng dalawang grupo na naka-kalat na ngayon sa ibat’t ibang bahagi ng bansa ang tatlong daang libong expired na bags ng semento.
Anila, natuklasan din nila na limamput anim na hardware stores sa Pangasinan at La Union ang nagtitinda ng substandard na bakal at construction at electrical products.
Mahigpit din na tinututulan ng FPI at UFCC ang pre-shipment testing sa abroad ng mga bakal at semento.
Sa halip, dapat aniyang ipatupad ng DTI ang pagsusuri sa bansa ng mga imported na bakal at semento bago ito ilabas sa mga hardware stores sa Pilipinas, sa halip na gawin ito sa abroad.
Nababahala ang dalawang grupo sa ganitong sistema lalo nat mataas aniya ang demand ngayon ng semento at bakal sa bansa dahil sa paglago ng sektor ng konstruksyon.