Manila, Philippines – Pasado na sa House Committee on Health ang panukala ni Isabela Rep. Rodito Albano para sa legalisasyon ng medical marijuana.
Unanimous ang naging boto ng mga miyembro ng komite pabor sa medical cannabis bill matapos ang isinagawang kunsultasyon sa mga pasyente, health care practitioners at mga medical experts.
Sa ilalim din ng panukala, itatayo ang medical cannabis compassionate center sa ilalim ng DOH na kokontrol ng pagbebenta ng medical marijuana sa mga pasyenteng nangangailangan nito.
Ang mga kuwalipikadong pasyente na reresetahan ng medical marijuana ay kailangang nakarehistro at bibigyan ng identification card.
Itatatag din ang Medical Cannabis Research and Safety Compliance Facility para mas masusing mapag-aralan ang paggamit ng marijuana bilang gamot.
Binibigyan din ng poder ang Philippine Drug Enforcement Agency para tumulong sa pagbabantay sa pagbebenta at paggamit ng medical marijuana.