Ipinahayag ni Vice President Leni Robredo na hindi kailangang ipatupad ang martial law sa isla ng Negros sa kabila ng di matukoy na mga patayan dito.
Sa kaniyang weekly show nitong Linggo, sinabi ni Robredo na kailangan munang makahanap ng solusyon at makilala kung sino ang nasa likod ng mga patayan sa isla.
“Iyong pinaka-solusyon sana, mahanap sino ba yung behind dito sa mga patayan na ito. At mahanap ng agarang solusyon kasi ang dami nang nabiktima,” aniya.
Dagdag ni Robredo, hindi ang batas militar ang solusyon upang matigil ang patayan sa lugar dahil patuloy pa rin noon ang karahasan sa Mindanao kahit ipinatupad ang military rule dito.
Nagpahiwatig si Pangulong Rodrigo Duterte na magdedeklara siya ng batas militar sa Negros matapos may nasawing 21 na katao simula Hulyo 18 hanggang 28.
Ayon sa Palasyo, mga komunistang rebelde o mga miyembro ng New People’s Army ang nasa likod nito.
Sinabi naman ni NCRPO Chief Oscar Albayalde na hindi kailangan ng martial law sa nasabing lugar at nasa ilalim pa rin ito ng kontrol.
Wala naman tayong nakitang [abnormal] doon, except sa mga series ng patayan, but then kasi kaya sinasabing nag-normal kasi wala nang nababalitaan,” ani Albayalde.